Beer Fairy

Malakas ang ulan nun kaya takbo kami papunta sa sasakyan nya, eh di pa kami makapasok dahil maliit yung espasyo sa parking sa pagitan ng mga sasakyan kaya medyo nabasbasan pa kami ng ulan bago kami nakapasok sa sasakyan, blessing daw yun, yung maulanan, wala sa lohika pero alam ko kung sino ang taong blessed pag nakita ko, at nung gabing yon isa sa aming tatlo yun. “Matakot na kayo, magddrive ako ng nakasapatos”, alam namin kasi na sanay syang mag drive ng nakayapak, inunahan na nya sa pagpihit yung mga sasakyang parating, “Padaanin nyo ko nakainom na ko, babarilin kayo ni alien sige” sinasabi nya sa mga sasakyang biglang napahinto sa pag pihit nya sa kalsada, sabay tawa lang kami. Ganun talaga ang pagkakakilala ko sa kanya, masayahing tao, meron palaging hirit sa mga bagay bagay, kung di mo sya kilala mayayabangan ka sa asta nya, pero kung matagal mo na syang nakasalamuha, natural lang sa kanya yung ganon.

Binigyan daw nya yung sarili nya ng anim na buwan para magkaroon ng kahit paano’y magandang kahinatnan yung ginagawa nya, andun na sya eh, sinagad na nya yung anim na buwan, tinalikuran na nya lahat ng bagay para lang i-pursue yung alam nya sa loob nya na gusto nyang gawin… “alam mo pare kung may gusto kang gawin, gawin mo lang wag kang hihinto, dahil hindi mo alam kung kelan merong mabuting mangyayari sa yo, hindi natin alam kung kelan ipagkakaloob sa yo ng Diyos yung hinihiling mo, baka mamya sa pang limang araw ibibigay na pala nya pero nung ikaapat na araw sumuko ka na, paano mo malalaman yung kagalingan ng Diyos?” sabay lagok ng beer, medyo umaalingawngaw pa yang sinabi nyang yan sa tenga ko hanggang ngayon. Nakakatuwang isipin na sa isang bar namin pinaguusapan ang tungkol sa mga bagay na to sabay sa mga bumibirit ng ‘yeah yeah i wanna be a rockstar!’ sa stage. Totoo naman, anim na buwan na syang naghintay ng break, walang dumating, nung ika pitong buwan daw, nung nasa bingit na sya ng pag ayaw, saka lang dumating yung hinihintay nyang babago sa takbo ng buhay nya, parang dun sa teleserye sa tv.

Nakakainggit kung tutuusin, yung naabot nya, pero hindi nya hinahayaang may mainggit sa kanya… “alam mo pare, eto masaya ako sa ganito, syempre alam nyo naman yung pinaggalingan ko pero sa totoo lang, mas naiinggit ako sa yo, kasi ikaw pag uwi mo sa bahay, may sasalubong sa yo, me magtatanong kung kumain ka na, me tatawag syo ng papa, merong magmamasahe sa yo, ako pare pag uwi ko kakausapin ko lang sarili ko habang nagpipinta.” napatango lang ako, isandaang porsyento sangayon ako sa sinabi nya. “Mabait ang Diyos pre hindi sya madamot, ibibigay nya sa iyo yung kailangan mo hindi yung hinihingi mo.” Hindi ako nagulat sa mga sinabi nya dahil noon pa man alam kong dedicated syang umaattend ng Victory Church, totoo yung sinabi nya, magkaiba nga naman daw yung kailangan sa gusto natin. Gusto natin mag laro ng Dota o mag fb maghapon pero ang kailangan natin eh tamang ehersisyo at pakikihalubilo sa tunay na tao, malaki ang pag kakaiba nun. Nakakatawa nga yung mga humihingi na mabiyayaan sila ng grasya sa araw-araw pero ni hindi naman kumikilos at nakahilata lang sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Buti pa yung halaman kahit hindi kumikilos nag po-photosynthesis para lang me malanghap tayong oxygen, kaya kung tatamad-tamad ka mahiya ka naman sa mga halaman!

“Pare andyan na yan kaya pahalagahan mong mabuti anuman yung natatanggap mo ngayon.” sabi ko sa kanya, ngumiti lang sya sabay tango, hindi ko alam kung kailangan kong ulitin yung sinabi ko dahil malakas yung videoke pero alam ko nakuha naman nya yung gusto kong sabihin. Natutuwa ako sa kaibigan kong iyon, kahit na usapang lasing alam namin na merong pinuntahan yung maikling palitan namin ng istorya, may natutunan ako sa kanya at alam kong meron din syang nahimay na konting wisdom sa mga sinabi ko sa kanya. Sya nga ang ‘beer fairy’ sabi nya at bibiyayaan daw nya kami ng kani-kaniyang ‘beer fairy guardian’ para gumabay sa amin sa aming pag-uwi… ang nagagawa nga naman ng alak sa imahinasyon. Matatagalan na uli siguro bago mag krus ang landas namin dahil pareho kaming busy, pero alam ko pag nagkita kami meron kaming babalikang istorya tungkol sa mga ‘beer fairies’.

Malayo na nga ang narating nung ‘beer fairy’ kong kaibigan, kung dati sanay syang mag lakad pauwi kasi walang pamasahe ngayon eh humaharurot na lang sa pagd-drive. Sa ngayon gaya nung pinagusapan namin, lagi kong pinapaalalahanan ang sarili ko na makuntento sa mga bagay na meron ako at mag pasalamat sa Diyos sa mga darating pa. Sa pagtatapos hayaan nyong i-share ko sa inyo yung isang lesson sa pagpapahalaga na believe it or not nakita ni wifey sa facebook…

burara

Tagged ,

Para sa yo

Aaminin ko nung nag aya kang mag-inuman sinabi ko na may gagawin ako pero ang totoo nakipaginuman ako sa ibang tao. Ang bad ko no, eh kasi naman alam ko na may problema ka nanaman sa boyfriend mo at yun na naman ang paguusapan natin. Hindi naman sa ayaw kitang damayan pero yung problema mong yan e since time immemorial pa, pang ilang boyfriend mo na ba yan? Paulit ulit lang, hindi ka naman nadadala, so kung iisipin mo talaga, lahat ng sinabi namin sa iyo eh nababale wala lang, nasayang lang yung laway namin. Yung problema mong yan parang baha sa Pilipinas, alam mo naman ang solusyon ayaw mo lang gawin, kaya pag umulan, baha uli.

Baka lang this time kailangan mong solusyunan yang problema mo ng nagiisa, siguro masyado kang umaasa sa sasabihin ng ibang tao sa iyo, masyado kang naghihintay sa mga payo, pero ang totoo eh ikaw lang makakasagot sa mga tinatanong mo. Ba’t di ka mag simula sa sarili mo, subukan mong kausapin yung sarili mo, pero wag in public dahil mukha ka namang tanga nun, sa isip lang, magnilay-nilay ka, sagutin mo yung mga tanong mo, kung kailangan mong isulat sa papel at bigyan ng surprise quiz yung sarili mo eh gawin mo. Isipin mo yung nangyayari sa iyo, yung mga problema mo, isulat mo sa one half sheet of paper, crosswise, kung kailangan mong gawan ng powerpoint presentation gawin mo, basahin mo ng paulit ulit hanggang malimutan mo na ikaw ang nagsulat nun, tapos saka mo isipan ng solusyon yung honest to goodness na ipapayo mo sa isang taong may ganung klaseng problema. Di ko pa nattry yan pero parang exciting gawin, try mo.

Ang totoo naiirita ako sa pinaggagagawa mo sa buhay mo, andun na ko, naghahanap ka talaga ng ‘the one’ para sa iyo simula nung iwan ka ng asawa mo’t sumama sa iba, oo na, malupit sa iyo ang pag-ibig (ang mundo in general?), mahirap yun, pero andyan naman yung naging resulta ng pagiibigan nyo (at resulta ng panonood nyo ng “Ligaya ang Itawag mo sa Akin”), andyan yung mga anak mo, ba’t di sila ang pag tuunan mo ng atensyon. Sila yung pag buhusan mo ng kung ano pang pag-ibig pa ang natitira pa sa iyo, hindi dun sa mga lalakeng nakikilala mo sa internet. Tapos mag tatanong ka pa kung paano ka liligaya, siguro i-define mo muna sa sarili mo kung ano yung ‘happiness’, dahil mula dun mage-gets mo na yun eh, wag mong i-asa sa ibang tao yung kaligayahan mo, kung sa tingin mo liligaya ka pag may boyfriend ka eh napaka-fake naman ng happiness na hinahanap mo, kahit siguro si John Lloyd yung maging boyfriend mo eh hindi pa rin tiyak na ikaliligaya mo yun, si Basya nga di nya napaligaya ikaw pa… mas nagiging komplikado pa nga yung buhay mo pag may boyfriend ka, iisipin mo pa yun, lo-loadan mo pa… ang sinasabi ko lang naman eh wag kang mag hanap, hayaan mong bigyan ka ni Lord, hindi naman madamot si Lord eh ibibigay nya rin yan sa tamang panahon, wag mong isipin na mame-menopause ka na… dadating din yan menopause or not.

Isipin mo lagi na wala sa kalingkingan ng problema ng mga nagugutom sa Africa yung problema mo, wag na wag mong iisipin na umiikot sa iyo ang mundo at titigil ito pag naheart break ka, dahil ang totoo bukod sa amin na kaibigan mo at ilan sa pamilya mo the rest of the world doesn’t give a flying shit about you or your problems. Isa lang ang sigurado, yang problema mo lilipas din yan, hindi masamang malungkot pero malungkot ka sa mga bagay na dapat ika-lungkot talaga, kung ikakaligaya mo ang pagkakaroon ng boyfriend then go, hindi ka namin pipigilan, pero isipin mo din, naka ilang boyfriend ka na ba? Lumigaya ka ba? Alam kong sasangayon ka na mas nakaka-depress pa nga di ba? Yang heartbreak mo bukas makalawa wala na yan, sabi nga nila eh ‘Puso lang yan… malayo sa bituka’, pag ok ka na saka tayo mag inuman, ako taya.

Tagged

Meet the parents

Isa sa mga kailangang pagdaanan ng isang mag asawa eh yung pakikitungo sa kanilang biyenan, nandyan na yung kailangan pakibagayan mo sila para maging maganda ang takbo ng relasyon nyong dalawa. Merong sa una pa lang alam mo nang hindi magkakasundo yung biyenan saka yung manugang, meron namang akala mo matagal nang magkakilala yung dalawa sa pagiging kampante sa isa’t isa, pero yung huli kong tinuran yun ata ang bibihira. Napansin ko kadalasan merong parang kung anong linyang humihiwalay lagi sa manugang sa kanyang byenan, kumbaga sa mac saka sa windows hindi sila compatible.

Hindi ko alam kung swerte na maituturing yung sarili ko dahil hindi ko na kailangang pagdaanan yung mga ganyang bagay. Sa limang taon naming kasal ni wifey, mga tatlo o apat na beses ko pa lang nakakasalamuha ang mga byenan ko, hindi ganung kahirap kung tutuusin dahil kung hindi man kami mag kasundo eh ok lang dahil di naman kami madalas magkasama. Saka yun talaga ang plano namin ni wifey nung una pa, na huwag tumira kasama ang mga magulang namin para walang pakialamanan. Hindi ko naman sinasabi na hindi maganda ang pakikitungo namin sa isa’t isa ng mga biyenan ko, kung tutuusin nga eh wala namang akong masamang narinig sa kanila tungkol sa akin, hindi naman sa pagbubuhat ng bangko pero mabait talaga akong manugang kahit magpa-survey pa kayo sa lugar namin.

Sa Isabela kasi nakabase yung mga magulang ni wifey, dun kasi ang negosyo nila, may parang lobster farm sila dun o kung ano mang tawag dun, kaya nung huling luwas nga nila dito eh sugpo ang pasalubong nila, ganyan sila magmahal sa amin. Bihira nga lang sila maligaw dito sa manila, mga once in a blue moon, di ko alam kung allergic sila dito o may kung ano silang kinatatakutan dahil halos lahat naman ng kamaganakan nila eh nandito na sa manila. Si wifey nga eh since grade 4 pa nandito pero sila nagpa-iwan dun, di mo rin naman sila masisisi dahil siguro nga mas masarap manirahan dun na malayo sa ingay ng syudad.

Mamang at Papang ang tawag ko sa kanila, ganun talaga pag ilokano, sa kanilang dalawa medyo mas magaan ang loob ko kay mamang, mas nakakausap ko sya at madalas din kaming makapag kwentuhan kumpara ke papang na madalas nakakausap ko lang kung tatanungin ko sya kung kumain na ba sya o kaya magpapaalam ako para pumasok sa opisina, ganung ka-kaswal, hindi ko alam kung me kinalaman yun sa pagpapalagayan namin ng loob sa isa’t isa o dahil lang ba sa masyado akong nai-intimidate sa tatoo nya sa magkabilang braso.

Minsan tuloy kahit gusto ko syang tanungin kung ano ang scientific name ng mga sugpo eh hindi ko magawa, hindi rin naman sya yung tipo ng tao na lalapit sayo at kakausapin ka, medyo suplado rin sya sa personal at kailangan ikaw ang unang magbitiw ng salita para mo sya makausap, para syang MS Dos at dun ako nahihirapan, oo sa MS Dos at dun sa ugali ni papang na ganun, hindi naman din pwedeng sabihin ko na dahil sa natatakot ako sa kanya o ano, sabihin na lang natin na malaki ang binibigay kong pag-galang sa kanya… lalo na sa mga tatoo nya.

Inaasahan ko na naman yun sa kanya, ganun naman talaga ang mga tatay sa mga manugang nilang lalaki, parang kailangan may mapatunayan ka munang kamangha-mangha o kagilagilalas para masabi nya na karapatdapat ka nga sa atensyong ibibigay nya para sa iyo. Eto siguro yung draw-back nung sinaunang panahon na kailangan pa ng lalaki na magsibak ng kahoy, mag igib ng tubig o mag bilang ng buhangin sa dalampasigan para lang masabi na ready ka na para sa kanilang anak, yung kaugaliang yun siguro yung gumuhit dun sa linyang sinasabi ko nung una, teyorya ko lang naman yun wag kayong ano…

Pero pinangako ko sa sarili ko na sa susunod na punta nila sa bahay mas bibigyan ko ng panahon na kahit papaano eh magkapalagayan kami ng loob ni papang, konting tulak lang siguro sa sarili ko at siguro mas makabubuting ragaluhan ko si papang ng long sleeves para kahit paano eh mawala ang atensyon ko sa mga tatoo nya, susubukan ko syang kausapin sa mga bagay na alam kong magiging interesante para sa kanya, gaya siguro ng tungkol sa mga sugpo, ng tungkol sa Isabela o kaya kung paano nya nakuha yung tatoo nya… naniniwala ako na meron talagang kung anong linya ang humihiwalay sa relasyon ng manugang sa  biyenan, sabihin na lang natin na wala namang perpektong biyenan/manugang relationship, kung sino man ang magsasabing meron eh nagsisinungaling sya o kung meron man ang tawag siguro dun eh guni-guni.

Tagged ,

Suplado sa personal

Minsan mangyayari sa buhay mo na may makakausap kang tao at maiisip mo, “ito na ang huling pakikipagusap ko sa taong to”, hindi mga bumbay ang tinutukoy ko, kundi yung mga taong sensitibo sa puna ng iba. Kadalasan kasi masyado nating minamasama kapag may ibang pumupuna sa atin, pisikal na anyo man o kahit sa ugali, madalas tinatawaran natin itong insulto o pangmamaliit sa pagkatao, sabi nga sa libro dapat tinatanggap natin ang mga puna ng ibang tao para ayusin o pagbutihin natin ang ating mga sarili, yun ang tama yun ang mas ayos.

Mga ilang linggo na nakalipas nung magka-ayaan kami nung kaibigan ko na lumabas para makapagrelax, napadpad kami sa harap ng building ng isang malaking istasyong pantelebisyon sa bansa, dun kasi sya nagtatrabaho kaya komportable sa kanya kung duon kami magkita, isa pa mura ang isang bucket dun kumpara sa ibang bar, masaya naman ang kwentuhan, kamustahan tungkol sa buhay buhay, masarap ang sisig, saka yung pusit, nagko-compliment sa beer ika nga, ito yung senaryo na lagi kong pinapangarap tuwing biyernes ng gabi.

Maya maya tumawag yung isang kaibigan ng kaibigan ko at nagpahiwatig na gusto rin nilang maki-join sa amin, tinanong ako ng kaibigan ko kung ok lang ba daw na may sumalo sa amin, sabi ko naman ok lang sa akin, the more the merrier diba (manier sana sasabihin ko kaya lang naisip ko gasgas na gasgas na yun). Mga ilang oras pa, dumating na yung sinasabi ng kaibigan ko, medyo nabigla ako dahil parehong chicks pala, kala ko male species din, so mas ok naisip ko, para hindi lang kaming dalawa ng kaibigan ko ang nagbobolahan.

Enjoy naman sila kausap, mga ilang beer din ang naubos namin, hanggang masaraduhan na kami ng bar dahil alas dos na ng umaga, akala ko maguuwian na din kami nang biglang magaya yung dalawa para lumipat sa ibang bar na bukas, ok lang naman sa akin tutal wala naman pasok kinabukasan, kaya lumipat nga kami sa ibang bar, medyo malalim na ang kwentuhan namin ng biglang naisingit ng kaibigan ko na magkapatid pala sila, sumangayon naman ang dalawa sabay sabi ng isa na sya daw ang panganay, duon ako nabigla dahil buong pagaakala ko yung mas chubby ang mas matanda, base na rin sa itsura nilang dalawa kung ipag kukumpara sila, “akala ko ikaw yung mas matanda eh! haha” sinabi ko sa kanila, dun biglang tumahimik yung isa. First time kong nakakita ng babaeng umistreyt ng inom sa isang bote ng beer, “mukhang na-offend ata” bulong ko sa kaibigan ko, “hindi yan pre ok lang yan.” sabi ng kaibigan ko, “pare inistreyt yung isang bote ng beer, hindi normal  yun paano mo sasabihing ok lang yan?” sagot ko uli.

“Yun talaga ang akala ko, i’m just saying…” sabi ko, “well it’s a bad remark” pinutol nya yung pagsasalita ko, “well i’m sorry for that, i didn’t know you’re that sensitive…” sabi ko uli, “its not about me being sensitive, it’s about you being a total jerk!” sagot nya uli tapos biglang tumayo at umalis. Nagulat ako nun, nagisip-isip, sabi ko sa sarili ko, ano ba yung ibig sabihin ng ‘jerk’? Oo nag-inglesan kami, buti na lang nakainom ako, magaling ako magingles pag nakainom. Eh yun naman talaga ang tingin ko sa kanila, mas mukhang bata yung isa kesa sa kasama nya, kung pagbabasehan ko yung pisikal na na anyo nilang dalawa. Hindi ko na inisip, inubos ko na lang yung beer ko at nagpaalam na lang ako sa kaibigan ko at nagtaxi pauwi.

Sa tanang buhay ko ngayon lang ako nakasalamuha ng taong ganung ka sensitive, di ko nga alam kung sensitive nga sya o insecure lang siguro, o siguro dahil medyo me kalangaun na rin sya nung oras na yon. Mga ilang araw ang nakalipas nung nagkita uli kami ng kaibigan ko, dumalaw sya sa gallery, normal naman sa amin yun dahil madalas sya dun, wala na sa isip ko yung nangyari nang bigla nyang pinaalala uli, pinarating nya yung paghingi ng paumanhin nung kaibigan nya, sabi ko hanep me messenger pa, pero tinanggap ko naman, sabi ko wala yun, pero humirit pa sya sabi nya na susunod daw yung dalawang kaibigan nya sa gallery, hindi ako sumagot, dali dali akong bumalik sa kwarto ko at nag patay ng computer, bago pa man sila makarating sa opisina, umalis na ko at binilin na lang sila sa boss ko, sabay sibat papauwi. Sabihin nyo nang suplado ako pero yung ganung klase ng tao ang binabanggit ko nung una… para sa akin yung una naming pagkikita, yun na rin ang huli… me pa jerk jerk pa syang nalalaman.

Tagged , ,

Serbesa

Sabihin na lang natin na isa na ako sa mga nagpapayaman sa San Miguel Corporation sa paraang napapadalas ang pagtangkilik ko sa kanilang produkto, partikular ang beer…pale pilsen o light… hindi ako alcoholic, lilinawin ko lang, pero sa loob ng isang linggo dalawang gabi don nilalaan ko sa paginom. Madalas solo flight ako, habang nanonood ng tv, mas masaya sana kung may kainuman ka kaya lang mahirap manghatak ng kaibigan at kumbinsihin sila na ang paginom ng beer e nakakabuti sa puso at sa sariling personalidad, dahil siguro sa alam nila na kapag ako ang nagsalita malamang sa hindi… me halong kalokohan.

Ayoko naman din kasing umupo sa labas at makipag salitan ng tungga sa mga nagiinuman sa kalye, bukod sa ayokong maging istorbo sa mga sasakyang dumadaan, hindi rin ako komportableng uminom na iisang baso lang ang umiikot para sa lahat. Kahit sabihin pang sumisimbolo yon sa pagkakapatiran o kung anumang pagkakaibigan ng bawat umiinom hindi pa rin ako kumbinsidong makipag palitan ng laway, kasama ang mga kaakibat na sakit  nito, sa ibang tao.

Kung i-te-trace siguro yung ugat ng pagkahumaling ko sa beer ngayon eh siguro dahil sa sapul sa pag ka bata ko eh na expose na ko sa mga sessions nila tatay, oo manginginom si tatay kasama palagi yung tatlo pa nyang kabarkada, apat sila lagi sa session linggo linggo. Hindi ko naman sinasabi na bad influence si erpats pati yung mga kumpare nya, nasa tama naman silang lugar kung uminom, ni hindi ko sila nakitang nag away away, masaya nga sila lagi, pati ako masaya dahil madalas akong mamulutan dati, bukod pa sa perang nahaharbat ko sa mga kumpare ni erpats kapag medyo me kalanguan na. Solid silang apat na maituturing dati pagdating sa inuman, walang linggong hindi pinalalagpas na hindi sila nainom, pero sa ngayon hindi na pwede, dahil dalawa sa kanila patay na, yung isa may sakit sa bato, si tatay may diabetes… ang cool nuh… some good things never last talaga.

Nung nakaraang linggo nga, fathers day, hindi ko na pinalagpas yung pagkakataon na mang imbita ng mga kaibigan, tutal me okasyon naman, at para mahikayat sila, ako na bumili ng beer pati pulutan sagot ko na, dadalhin na lang nila kwento, oo masayang magkwentuhan habang umiinom, kanya kanyang bolahan, kung personal mo akong kilala at kung nakasalamuha mo na ko minsanan, sasangayon ka na tahimik akong tao, mas gusto kong makinig sa ibang tao kesa sa mag kwento, pero iba daw ako sa mga pagkakataong napasukan na ng mahigit sa normal na alcohol yung bloodstream ko, mas makwento daw ako at madalas bumabangka sabi ni wifey, kung meron ka ngang gustong malaman tungkol sa akin eh kausapin mo lang daw ako pag nakainom at magiging open book na yung buhay ko, ewan ko di ko rin alam, di ko pa naman napapakinggan yung sarili ko kapag lasing na ako eh.

Mabalik ako sa inuman namin nung linggo, hindi ko rin alam kung bakit apat din kaming umiinom, parehong bilang kila tatay nung araw, tapos linggo rin, parang ayokong gawing regular yung ganon, mahirap na… pero masaya talaga pag me kasama ka sa pag inom, masaya ang kwento, di nga namin namalayan na als-3 na ng umaga nung natapos kami, patalon talon kasi sa iba’t ibang topic yung usapan namin, mula love life ng bawat isa hanggang sa sex education hanggang sa sex na lang pati pagiging “polygamous by nature” ng mga lalaki, malakas kasi ang ulan nun, hindi ko na masyadong idedetalye kung ano yung napagusapan namin, naliligaw kasi si wifey dito paminsan minsan, mahirap na, saka hindi naman ako lasing… kung tatanungin nyo ako kung ano ang kinalaman ng ulan sa sex at polygamy eh pwede ko namang sabihin pero… lasingin nyo muna ako.

Tagged , , ,

It’s the trip not the destination

Kasalanan ko, mas pinili kong sundin yung instinct ko kesa makinig sa PAGASA kahit alam kong mas madalas sumablay yung instinct ko kumpara sa PAGASA. Mula abril hanggang kainitan ng el niño dala ko palagi ang payong ko, kung kailan kailangan ko sya dahil sa ulan saka ko naman naisipang iwan, ang panahon nga naman kung magbiro palaging corny. Hindi rin nakakatulong ang halos isang milyang haba ng trapik sa pangarap kong makauwi, ok lang mag lakad hanggang sa sakayan ng bus pero ang mag lakad ng na-ambon eh hindi ata magandang ideya bukod sa maari kang magkasakit maaari ka ring uhm… mabasa… lalo na kung me katangahan ka tulad ko na iniiwan ang payong sa bahay kung kelan tag-ulan na, pero wala naman akong magagawa kundi pangatawanan na ang maglakad at mag pa-ulan.

Pero ok lang mag lakad, sanay ako sa malalayong lakarin, hindi naman dahil sa madalas wala akong pamasahe kundi gusto ko talagang maglakad, di na bago sa akin ang paglalakad lalo na pag trapik, mas pipiliin ko pang maglakad kesa maburo sa trapik, kagabi nga sa haba ng trapik madami akong kasabay naglalakad, yung iba pa nga nag eenjoy din sa paglalakad, lalo na yung mga may ka partner, kahit walang payong, kahit mabasa sila ng ambon, nakangiti pa rin sila, wala nga sa distansya, wala sa oras na gugugulin mo sa paglalakad, wala sa kapaguran mag lakad ang sukatan sa kung paano mo maeenjoy mag lakad, kundi nasa kung sino ang kasabay mo maglakad, alam ko yan, pinagdaanan ko rin yan, wag kayong masyadong mang ano… wag nyo kong masyadong tuksuhin… madali akong kiligin sa mga panahong ito.

Dahil alam ko, basta kasama mo ang gusto mo, balewala lahat, kung ilang kilometro man ang lalakarin nyo ganun din ang haba ng ligayang maidudulot ng paglalakad sa inyo. Kung ilang oras ang ginugol nyo sa paglalakad ganun katagal din mamumutawi ang ngiti sa mga labi nyo, minsan lumalampas pa. Kung ano mang kapaguran ang maramdaman nyo sa inyong mga paa kalalakad eh sulit na sulit naman dahil sa mga sandaling mag kahawak kayo ng kamay o kaya nag hahawakan kayo ng baba (chin) habang nakasilong at nagsusumiksik sa iisang payong sa ilalim ng ulan, sisihin nyo si aga saka si aiko at ang cinema one dahil sa kakornihan kong yan. 

Pero totoo, nasaksihan ko yan kagabi, kung anong bilis ko sa pag lalakad, kabaligtaran naman para sa mga magsing irog na mukhang lumalakad ng isang dipa kada isang minuto sa bagal. Eh wala naman akong magagawa kung gusto nilang maglandian sa gitna ng daan, eh ano kung lumakas ang ulan, eh ano kung mahirap kumuha ng sasakyan, eh ano kung lumakad sila ng milya milya, ang importante sa kanila eh yung oras  o yung ‘moment’ na tinatawag kasama ang isa’t isa. Malamang alam nyo yan, sigurado akong dumaan kayo sa ganyan, kung hindi nyo pa nararanasan yan… ang lungkot ng buhay nyo. Kahit medyo naaasar ako sa kabagalan nila gaya ng sinabi ko, naiintindihan ko sila, alam kong enjoy sila, kaya wala akong magawa kundi lagpasan na lamang sila at tingnan ng masama.

Madami-dami din akong nalagpasang mag partner na naglalakad bago makasakay ng bus, at pag upo sa kaliwang bahagi ng bus, sa tatluhan, sakto, mag partner din ang katabi ko. At alam kong alam nyo din naman, na kung masarap maglakad kasama ang inyong partner, mas masarap yung magkatabi kayo sa isang komportableng upuan habang nagkikilitian sa kahabaan ng byahe, it’s the ‘trip’ nga naman daw not the ‘destination’, alam ko yan, pinagdaanan ko rin yan, wag kayong masyadong mang ano… wag nyo kong masyadong tuksuhin… madali akong kiligin sa mga panahong ito.

Tagged , ,
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.